Butocan
(San Miguel & San Gabriel)
barangays .....::::: << main page .:: streets .:: project narrative .:: structures

Ang mga nayon ng San Miguel at San Gabriel ay higit nakilala ng mga taga rito sa Lunsod ng San Pablo sa tawag na Butocan. Kung paano ito nag simula ay kasaysayan na matatawag na isang alamat. Isang kasaysayn saling lahi at hanggang sa kasalukuyan ito pa rin ang siyang pinaniniwalaan ng mga taga rito at mga karatig nayon.

Ito ay nagsimula noong panahon na ang ating bayan ay nasasakop ng mga Kastila. Sa lugar na ito ay madalang pa ang mga taong naninirahan at ang mga bahay ay halos pang dampa pang lahat. Ang pangunahing pinagkikitaan at ikinabubuhay ng mga tao ay ang niyog at paghahalaman. Noong panahon yaon ang mga lugar ang karaniwan mong makikita sa paligid ay ang naglalakihang puno ng mga lumbang. Ang bunga ng kahoy na ito ay isa sa mga pinagkukunan ng mga tao ng langis na ginagamit sa kanilang ilawan.

Sapagkat noong panahon yaon ay wala pang gas o elektrisidad, ang gamit ng mga tao sa ilawan ay langis ng niyog o di kaya ay langis ng lumbang. Sapagkat ang langis ng niyog ay pinagbibili sa bayan ng Bay, Laguna kung kaya't karaniwang ginagamit sa ilawan ay langis ng lumbang. Palibhasa'y nagkalat lamang saan man dako ang buto ng lumbang, kung kaya ito ang dahilan kung bakit ang langis na ito ang ganit sa ilawan.

Kung paano ang pagkuha ng langis sa buto ng lumbang ay kasaysayang pinagmulan ng salitang "Butocan." Naging karaniwan na sa pook na ito kung tapos na sila sa mga gawaing sa bukid ang karaniwan nilang ginagawa ay pagbabayo o pagpipitpit ng buto ng lumbang lalo't kung wala silang gagamiting langis sa ilawan.

Ang kasaysayn ay nagsimula isang araw sa kaunaunahang pagkakataon na may napadakong mga sundalong Kastila sa pook na ito. Sa isang dampa na kanilang natagpuan, ay may isang matandang lalaki na nagbabayo ng buto ng lumbang sa lusong sa harapan ng kanilang bahay. Sa pagnanais ng mga sundalong Kastila na malaman nila kung anong lugar sila naroroon ay kaagad na lumapit sa lalaking nagbabayo ng buto ng lumbang. Takot man ang matanda sa mga sundalong kanyang kaharap ay wala na siyang nagawang pagiwas sa takot ay lakas loob na hinarap ng matanda ang mga sundalo. Ang pinuno ang siyang unang nagsalita at nagtanong sa kanilang wika. Sa wikang kastila itinanong sa matanda kung anong lugar sila naroroon. Sa pag-aakala ng matanda na ang itinatanong ng sundalo ay kung ano ang kanyang ginagawa, lakas loob na sumagot ng ganito, "Ako ay nagbabayo ng buto ng lumbang". Inulit pa ng matanda ang salitang "buto ng lumbang". Sa paniniwala naman ng mga sundalo na sila ay naiintindihan ng matanda ay nagwika ang pinuno nang ganito, "Buto-can" na nawala ang pantukoy ng g. Ito ay paulit-ulit na sinabi ng mga sundalong Kastila. At sa pagnanais ng matanda na magsialis kaagad ang mga sundalo tango na lamang ng tango ang matanda. Nagsialis na ang sundalo at simula noon ang lugar na ito ay tinawag na "Butocan." Hanggang sa mga panahong ito, ang pangalan Butocan ay siya paring tawag ng mga taga San Pablo at karatig bayan.

Designed by: MSC High School.