May 6-12, 1998 Volume XVII No. 19

News

Editorials & Opinions

Malaking kawalan ang kamatayan ni Chairman Exequiel Amante-Lina
Ni Aldrin L. Cacayan

SAN PABLO CITY- Sa isang press conference na ipinatawag ni Gob. Joey Lina noong nakaraang Linggo ng hapon, Mayo 3 sa Siesta Residencia de Arago, sa Lunsod na ito, kanyang ipinahayag ang kanyang kalungkutan sa sinapit na malagim na kamatayan ni Barangay Chairman Exequiel Amante ng Brgy. Del Remedio (Wawa), pinakamalaking barangay sa Lunsod ng San Pablo.
Winika ni Lina na nalulungkot siya dahil sa malaking kawalan para sa kanya ang pagpanaw ni Amante, sa kadahilanang isa ito sa masasabing malaki ang ginagawang pagsuporta sa kanyang kandidatura bilang Gobernador ng Laguna.
"Nang makita ko siya sa ospital, matapos ang nangyaring insidente ay suot pa niya ang puting "Lina shirt", na may tatak na Sa Diyos, Sa Tao, Serbisyong Totoo... At ang dating puti’y pulang-pula na nang dahil sa dugo. At suot pa rin niya ang "fatigue vest" na ibinigay ko rin sa kanya." Ang wika pa ni Gob. Lina.
Ayon pa kay Lina ay magkakahalong kandidato ang sinusuportahan ng pumanaw na chairman, tulad ni Andy Castillo para vice-mayor at Dolly Potenciano para congressman, ngunit mas higit na kilala ito bilang masugid sa pangangampanya para sa kanyang kandidatura bilang gobernador.
"Talagang lumalabas siya para ipangampanya ang kandidatong kanyang sinusuportahan. At ang isa ko lang nais liwanagin, hindi siya isang LAKAS-NUCD political leader.
"Sa ngayon ay hiningi ko na ang tulong ng NBI upang maging kabalikat ng PNP para sa madaling paglutas sa kasong ito ni Quiel Amante. At inaasahan ko na ang hustisya para sa kanya, sampu ng kanyang pamilya ay maibibigay."Wika pa ni Lina.
Sa nagiging mainit na takbo ng pulitika sa Lunsod ng San Pablo, nawika rin ni Gob. Lina na maaaring hilingin niya sa COMELEC na ilagay ang Lunsod sa ilalim ng COMELEC Rule.
BACK TO TOP


For questions, comments, suggestions and information, please E-mail us at : heraldgrp@msc.net.ph


This site is sponsored by MSC Computer Training Centre and MSC Communications Technologies, Inc