Mag-iingat kayo!
Mag-iingat kayo!
SA mga panahong ito ay tiyak na katakut-takot na nerbiyos na ang inaabot ng mga kandidato. Papaano ba naman matapos ang mahaba-haba ring panahon ng pangangampanya at paglulustay ay malapit na silang husgahan ng taong bayan.
Ang pakiramdam yata nila’y hindi maintindihan. Para silang mga hilong-talilong na paikoit-ikot na parang gustong maihi na hindi naman. Bakit nga ba ganoon?
Ang iba naman ay medyo panatag ang loob at naglalakas-lakasan kunwari para lamang masabing malaki ang tsansa nilang mapaupo. Huwag ka’t ang mga amuyong lang naman nila ang nagsasabing malakas sila, pero huwag ka’t pagdating ng botohan ay mga kulelat silang lalabas.
Ang mga kanidato natin kasi ngayon ay nananangan na lamang sa mga sabi-sabi ng kanilang mga alalay na wala namang ginawa kundi ang datungan ang kanilang iniidolong (kuno) mga kandidato. Pero baka naman sabihin n’yo ay masyado ako, at akala mo ay kung sino na. Sinasabi ko lang kung ano ang napapansin ko sa ating kapaligiran.
Hindi ba nama’t, sadyang napakasayang tingnan ng ating mga kandidatong may mga guidelines na sinusunod kung paano humarap sa tao (pakikipagplastikan baga!). Akala mo’y maaamo silang mga tupa, pero huwag ka’t ang ilan sa kanila, animo’y mga aswang na handang manakmal matapos na mahalal.
xKaya’t mga kapatid, ka-iingat kayo at huwag kayong lilingat at baka ang maiboto n’yo ay yaong mga akala ninyo’y mga kung sinong mababait na anghel.
* * * * *
Kagabi, Mayo 5 ay nilinis na nang tuluyan ang mga nagbitin na mga banderitas at streamers ng mga kandidato sa may monumento ni Rizal sa San Pablo City Plaza at sa kahabaan ng Avenida Rizal.
Isipin n’yo na lang mga kababayan, hindi ba nama’t nakakatawang tingnan na may mga nakasulat na bawal magkabit ng streamers at posters, pero naglipana ang pagkarami-rami nito sa kahabaan ng Rizal Avenue.
Kung hindi pa yata naipakita sa TV Patrol at sa ibang mga programa sa telebisyon ay hindi pa yata ito lilinisin. At siyempre pa, kasabay din yata ito ng selebrasyon ng ika-58 anibersaryo ng Lunsod ng San Pablo kung kaya’t ito’y napag-kaisahang linisin.
Hindi ba nama’t talagang napaka-aliwalas sa paningin ang malinis na kapligiran?
At bago tayo magtapos mga kapatid, isang paalala lang sa ating mga botante, gumawa na tayo ng ating mga listahan, nang sa gayon ay hindi na tayo mahirapang pumili, pagdating sa ating presinto. At para sa mga kandidato, sana’y manalo kayong lahat! (Puwede ba ‘yon?!)

May 6-12, 1998 Volume XVII No. 19

News

Editorials & Opinions