Headline Story

Sigaw ng mga residente ng NHA Sto. Anghel
Kahit mahina, basta't malinis na tubig!!

ni Aldrin L. Cacayan at Arvin P. Carandang

MALAKING usapin sa ngayon ang patuloy na lumalaganap na sakit na nagmumula sa inuming tubig. Sa may bahagi ng NHA Brgy. Sto. Angel at Brgy. San Diego, Lunsod ng San Pablo ay ilang kaso ng gastro-intestinal diseases ang napatala dahil sa diumano’y hindi malinis na tubig na nagbubuhat sa mga production wells na ito.

Ayon pa nga sa mga residente ng NHA, napakadumi ng tubig na nanggagaling sa naturang bagong bukas na production well, at may napakalansang amoy, na hindi na kayang inumin, lalo’t higit ng mga batang mahina pa ang katawan sa pagtanggap ng ganitong uri ng mga bakterya.

Isa si Donna Marie M. Ramos, 11 month-old na baby ang kauna-unahang naging biktima ng naturang kaso ng gastro-intestinal infection na na-confine sa Community hospital sa loob ng tatlong araw. Bukod pa sa batang ito ay kabilang din ang isang batang taga-Block 5, at isang dalagita na naging ganito rin ang kaso ng pagkakasakit.

Nang kapanayamin ng Herald si Ms. Lina Ortega, med-tech sa BMA clinic, sinabi nito na ang pinagmumulan ng gastroenteritis (na naging sakit ng isa sa mga biktima ng production well ng SPCWD) ay ang bakteryang E. coli, na ang simtomas ay pagtatae at pagsusuka na nagdudulot ng dehydration sa biktima na puwedeng maging sanhi ng pagkamatay nito kung hindi maaagapan.

Ang mga ganitong klaseng organismo ay hindi kaagad namamatay kahit pinakuluan ang tubig.

At batay naman sa paliwanag ng SPCWD, sa katauhan ng Information Officer nitong si G. Al Genove, nawika nitong ang production well nila sa Sto. Angel ay nagbibigay naman ng uri ng tubig na maaaring inumin. Kaya nga lang ay kinaikailangang patiningin muna ito sa isang container upang maalis ang malansang amoy o di kaya’y pakuluan at ilagay sa refrigerator.

Nasabi rin niya, na ang mga kalawang at lumot na lumalabas sa unang daloy ng tubig sa mga gripo ay bunga ng hindi pagdaan ng tubig sa mga tubo nang matagal na panahon.

BACK TO TOP


The Wednesday Herald Online is the official website of the Herald Group of Publications. Published weekly and sponsored by the MSC Computer Training Center and MSC Communications Technologies, Inc., it covers the Southern Tagalog Area particularly the provinces of Cavite, Laguna, Batangas, Rizal and Quezon (CALABARZON), and Metro Manila, PHILIPPINES.
For more information regarding this site, you may contact us through our E-mail (heraldgrp@msc.net.ph).